Thursday, July 1, 2010

Pagninilay sa Ikapitong Huling Wika: “Ama, Sa Mga Kamay Mo, Inihahabilin Ko Ang Buhay Ko.” (Lukas 23: 44-46)

Hindi na po ako magtataka kung marami ang magsasabi sa atin na sila ay dumaranas ng matitinding pagsubok sa Buhay… mga pagsubok na siya ring nagpapatatag sa ating mga pananaw. Marahil ang nagsisilbing lakas natin sa likod ng mga pagsubok na ito ay ang malaman na hindi tayo nag-iisa at may mga karamay tayo sa ating pagdurusa.


Si Hesus bagama’t Diyos ay nagdanas din ng mga pagdurusa. Jesus is never alien to suffering. He embraced full humanity even human suffering. Niyakap niya ang mga hilahil sa buhay na gaya ng mga ordinaryong tao ngunit hindi sa ordinaryong dahilan, kundi nang dahil sa pag-ibig.


Mga kapatid, ang huling mga katagang binigkas ni Hesus habang siya’y nakabayubay sa krus ang kahuli-hulihan niyang pag-asa. Matapos ang matagal na panahon ng pakikiisa sa mga tao, pagpapagaling sa may sakit, pagdamay sa mga api, at pangangaral sa kanyang mga disipulo, marahil pagod na din si Hesus. Sinamahan niya ang mga taong nagdurusa, ngunit ngayong siya naman ang nagdurusa sa krus ng dahil sa pag-ibig, halos walang dumamay sa kanya. Iniwan siya ng mga taong kanyang pinagaling, pinakain, tinuruan, dinamayan, binuhay, at binigyan ng pag-asa. Iniwan din siya ng marami sa kanyang mga apostoles na tinawag niyang “kaibigan”. Wala na silang lahat! Iniwan nila si Hesus habang nagdurusa sa krus! Kahit ang kanyang kaibigang si Pedro na ilang ulit nagkumpisal ng pagmamahal sa kanya ay umalis din at tumalikod sa kanya. Ang hungkag niyang pangako ang tanging naiwan kay Hesus. Samantalang silang mga tahimik na nakilakbay kay Hesus tulad nina Maria na kanyang ina, ni Mariang maybahay ni Cleofas, kasama si Maria Magdalena na itinakwil ng lipunan, at ni Juan na pinakabata sa mga apostol… sila pa ang naiwan sa paanan ni Hesus habang pinapanood ang unti-unti niyang kamatayan. Kapwa sila walang magawa kundi ang tumangis sa nakakawang kalagayan ni Hesus.


Mga kapatid, ang pagkamatay ni Hesus marahil ay tigib ng kalungkutan hindi lamang dahil sa pagod sa paglalakbay habang pasan ang krus o dahil sa pagkaubos ng dugo sa pagkasibat sa kanyang katawan. Hindi rin sa latay na sanhi ng paghampas sa kanya o ng dahil sa kahihiyan ng kahubaran sa harapan ng madla. Mas masakit ang kamatayan ni Hesus dahil sa pagtalikod ng mga kaibigan niya na dapat sana’y nagtanggol sa kanya. Marahil ito na ang pinakamasakit na kamatayan, ang mamatay nang walang laban, ang mamatay habang dala ang sakit na dulot ng pagtalikod sa iyo ng iyong mga minamahal matapos mo silang paglingkuran ng sobra sobra… kamatayan dahil sa labis na kalungkutan dala ng pag-iisa. Hindi ba tayo rin, minsan ay pinapangakuan din tayo na: “mahal kita”, “hindi kita iiwan”, o “huwag kang mag-alala, ako ang bahala sa iyo” pero sa oras ng pangangailangan ay wala naman sila. Mas madalas na mag-isa ka lang. Mas maskit pa kung silang nangako pa ang nakasakit sa atin. Hungkag din ang kanilang pangako, empty words at broken promises ang tanging naiiwan sa atin. Mga kapatid, masdan natin ang ating Panginoon na nakabayubay sa krus at mag-isang nagdurusa… wala siyang karamay. Sino pa ang magsasalba sa kanya? Sa kanyang pagdurusa kanino pa niya itatagubilin ang kanyang sarili kung halos wala nang naiwan sa kanya… wala siyang pag-asa kayat nasabi niyang: “Ama sa iyong mga kamay inihahabilin ko ang aking buhay.” Ang Ama na ang kanyang tanggulan sa panahon ng kagipitan. Ang Ama ang siya niyang inasahan.


Gayundin, habang patuloy na hindi tayo kumakalinga at dumadamay sa pagdurusa ng ating kapwa, patuloy nating niyuyurakan sa kalungkutan at pag-iisa ang ating Panginoon. Sana sa pamamagitan ng ating pagdadamayan ay maipakita natin sa Diyos ang ating pakikiisa hindi lamang sa kaluwalhatian kundi pati sa kalungkutan. Samahan natin si Heus na ang inaasahan ay ang Ama. Katulad ni Hesus, kahit namatay sa krus ay binuhay muli ng pag-asa sa Ama.


Banal na Diyos, banal na puspos ng kapangyarihan, banal na walang hanggan…
Maawa po kayo sa amin at sa buong mundo.

O Hesus, hari ng awa… kami ay nanalig sa iyo.


______________________________

Ang akdang ito ay ginamit sa pagtatanghal ng “Pitong Huling Wika” noong Biyernes Santo, Abril 10, 2009 sa Parokya ng Birhen ng Asuncion, Maragondon, Cavite kasabay ng kanyang Holy Week Apostolate

No comments:

Post a Comment