Mayroon bang puwang sa Mundo para sa wikang Filipino? O mayroon bang puwang sa mundo para man lang sa mga Pilipino?
Sa mga pagkakataon na ang Pilipino ay nangingibang-bansa, sinisikap natin na pag-aralan at matutunan ang wika ng bansang ating pinuntahan. Marahil ito ang ating paraan ng pagpapakita ng pag-galang sa wikang banyaga sa panahon na tayo ay maituturing na mga dayuhan sa kanilang bansa. Ganyan ang Pinoy… magalang! Pero bakit kaya dito sa Pilipinas, kapag mayroong mga dayuhan sinisikap pa rin ng mga Pilipino ang mag-salita ng Ingles o anumang wika na kaya nating bigkasin batay sa kung saan mang bansa nagmula ang dayuhan? Paraan ba ito ng ating mainit na pagtanggap sa mga dayuhan? Sino ba ang dapat na makibagay sa wika ng kinaroroonang bansa?
Sa totoo lang, sa ganitong pagkakataon napapatunayan ng mga Pilipino ang ating galing sa pagkatuto at pagsasalita ng iba’t ibang wika. Sa pamamagitang ng pagsasalita ng wikang banyaga, tumataas ang ating estadong panlipunan sapagkat tanging mga edukado lamang ang nakapagsasalita ng wikang banyaga. Ngunit dapat din nating ipagmakapuri ang ating sariling wika sa mga banyaga sa loob ng ating bansa. Dapat natin nsilang hayaan na matuto ng ating wika at gamitin ito habang sila ay nakiki-panuluyan sa ating bansa. Katulad ng ating tiwala sa kakayahan ng lahing Pilipino, dapat din tayong magtiwala na mayroong dangal ang wikang Filipino. Ngunit, paano nga ba ang magtiwala?
Sa kasalukuyan, kung kailan dama ng bawat isa ang pagkakaiba-iba sa estado, kultura, at maging sa wika… marahil, hindi nga madali ang magtiwala! Marami ang nagsasabi na langit at lupa ang pagitan ng mahirap at mayaman, may pinag-aralan at mangmang, o may kapangyarihan at ordinaryong mamamayan. Marahil tama nga sila! Kung ikukumpara lamang natin ang ating pansariling estado, kultura, at wika sa ating kapwa… magkakaiba-iba nga tayo! At sa pagkakaiba-iba, napakahirap nang magtiwala pa!
Subalit hindi dito nagtatapos ang lahat. May pag-asa pa! Sa halip na malungkot tayo dahil sa pagkakaiba-iba, mas mabuting tingnan natin ang bawat isa sa aspeto na nagbubuklod sa atin bilang isang lahing Pilipino… ang ating wika… Filipino.
Kung tutuusin, parang marami na sa atin ang tumatalikod sa ating wika. Sa dami ng mga Pilipino na mas pinipiling manirahan sa ibang bansa dahil sa hirap ng buhay sa Pilipinas, mistulang tumatalikod sila sa ating kultura at wika. Siguro nga! Ngunit ang katotohanang ito ay hindi dapat tingnan lamang sa negatibong paraan. Ang pangingibang-bansa ay hindi laging nangangahulugan ng pagtalikod sa sariling bansa. Sa katunayan, maaring ito ang paraan ng maraming Pilipino sa pagsakop sa mundo. Habang ang ibang lahi ay walang humpay sa pagbabawas ng populasyon, ang lahing Pilipino ay dumadami upang magsilbing lakas pag-gawa sa ibang bansa. Wala nga tayong pera kumpara sa ibang bansa! Pero marami ang mga Pilipino na siyang pag-asa ng lakas pag-gawa sa Mundo. Sa bandang huli, anumang layo ang narrating ay uuwi parin sa Pilipinas upang muling yakapin ang kultura at wikang nakatatak na sa ating puso at nagsisilbing hininga ng ating damdamin. Kaya’t walang pagtalikod na naganap. Nananatili tayong Pilipino na nagtitiwala sa ating lahi at wika.
Ngunit, hindi natin maitatanggi na may pagkakataon na pilit na nasisira ang ating pagtitiwala sa bansa at sa wika dahil sa iilang tao na nagpapakalunod sa kanilang kataksilan. Kung saan ang bawat isa ay walang iniisip kundi ang makalamang sa kapwa, wala roon ang pagtitiwala. Sa pagkakataon na nakakaupo ang mga pinuno sa puwesto dahil sa pandaraya, nasisira ang pagtitiwala. Kung tayo ay tumatalikod sa wikang Filipino para magsalita ng wikang banyaga upang mapatunayan na angat tayo sa iba, bumabagsak ang pagtitiwala. Ngunit, tulad ng dati, may pag-asa pa! Kapag sa kabila ng laganap na paghihirap ay wala nang nanganagamba dahil mayroong handang dumamay at magbahagi sa kapwa, nabubuhay ang pagtitiwala. Kung ang bawat pinuno ay magiging tapat sa tungkulin sa bayan, uusbong muli ang pagtitiwala. Kung ang lahing Pilipino ay taas-noong ipagmamakapuri ang sariling wika at magsisikap na iangat ang bansa, dapat tayong magtiwala… aangat ang ating bansa na binubuklod ng iisang wika.
Marahil ito na ang panahon upang muli natin ipagmalaki ang wikang Filipino. Panahon na upang patunayan sa mga banyaga na mayroon din tayong dangal bilang isang bansa. Panahon na upang tayo’y magkaisa at ipakita na kahit ang ating bansa ay dukha, mayroon tayong pagsisikap at pangarap na umangat. Lahat ito ay makakamit sa ngalan ng Diyos at kung lalapit tayo sa Kanya bilang isang bansa, kalakip an gating walang humpay na… pagtitiwala.
No comments:
Post a Comment