Monday, April 18, 2011
Ika-anim na Estasyon: PINASAN NI HESUS ANG KRUS
P: Sinasamba at Pinupuri ka namin, O Kristo...
B: Sapagkat sa pamamagitan ng Mahal mong Krus ay Iniligtas mo ang Mundo.
†Mula sa Ebanghelyo ni San Juan (19:16-17)
16 Kaya't ibinigay sa kanila ni Pilato si Jesus upang siya'y maipako sa krus. Kinuha nga nila si Jesus. 17 Inilabas siyang pasan ang kanyang krus papunta sa lugar na kung tawagi'y Lugar ng Bungo, Golgotha sa wikang Hebreo.
†Pagninilay
Masdan natin si Hesus, ang Hari ng mundo, na buong pusong tinanggap ang krus na ipinapasan sa Kanya ng mga lapastangan. Ang Kanyang tanging pinanghahawakan ay pag-ibig na nagtulak sa Kanya upang pasanin ang Kanyang krus. Siya ang tunay na Hari, masdan natin siya!
Sa ating mundo, ang kinikilalang hari ay ang mga makapangyarihan, nakaupo sa maringal na trono, balot ng karangyaan, at napapalibutan ng mga aliping handang gawin anumang iutos ng hari. Kabaligtaran kay Hesus, bilang isang Hari, wala siyang maipagmamalaking material na bagay bagama’t sa Kanya ang lahat ng bagay sa daigdig. Wala siyang alipin ngunit Siya pa ang nagturo ng tunay na paglilingkod. Wala siyang maringal na palasyo ngunit niloloob Niyang manirahan sa puso ng mga mababang-loob. Isa siyang maralitang Hari – ang kanlungan ay katarungan, ang lakas ay kababaan ng loob.
Walang anumang reklamo na narinig kay Hesus habang pinapasan Niya ang bigat ng Krus. Ngayo’y tinuturuang Niya tayong tumulad sa kanya na buong pusong tinupad ang Kanyang misyon na magdusa alang-alang sa iba. Hindi tayo dapat manlumo kapag dumarating ang pagsubok sa ating buhay sapagkat iyan ang tanging paraan upang maipakita ang pagsunod kay Hesus. Ito ang mensahe ng Kanyang sinabi: “Buhatin mo ang iyong krus at sumunod sa akin.” (Mt 16:24; Mk 8:34; Lk 9:23)
†Panalangin
Panginoong Hesus, sa Iyong biyaya, tulutan Mo na naisin naming na samahan ka sa Iyong paglalakbay sa daan ng krus. Patawarin Mo kami sa mga pagkakataong tinatakasan namin ang mga pagsubok sa aming buhay. Hayaan mong mapaalalahan kami na Ikaw, bagama’t Diyos ay hindi rin nagging iba sa mga pagdurusang umaalipin sa mundo at Ikaw nga ang unang tumahak sa pagdurusa para sa aming kapakanan.
Ang pagtitiwala sa Iyo nawa ang maging lakas namin sa paglalakbay tungo sa bagong buhay sa piling mo. Hinihiling naming ito sa Iyong masintahing pangalan. Amen.
Ama naming... Aba Ginoong Maria... Luwalhati...
†††
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
Hi Po,
ReplyDeleteMaganda po ang mensahe ng pagninilay ng daan ng krus, subalit wala na po ba itong kasunod? bakit po anim lamang ang istasyon? Maari po bang makahingi ng kopya sa acbalauro@gmail.com. Thanks po and God Bless