Monday, April 18, 2011

Unang Estasyon: ANG HULING HAPUNAN


P: Sinasamba at Pinupuri ka namin, O Kristo...
B: Sapagkat sa pamamagitan ng Mahal mong Krus ay Iniligtas mo ang Mundo.

†Mula sa Ebanghelyo ni San Lukas (22:17-20)
17 Dumampot siya ng isang kopa, at matapos magpasalamat sa Diyos ay ibinigay iyon sa kanila, at nagsabi, "Kunin ninyo ito at paghati-hatian. 18 Sinasabi ko sa inyo, mula ngayo'y hindi na ako iinom nitong katas ng ubas hangga't hindi dumarating ang kaharian ng Diyos."
19 Dumampot din siya ng tinapay, at matapos magpasalamat sa Diyos ay kanyang pinaghati-hati iyon at ibinigay sa kanila. Sabi niya, "Ito ang aking katawan na inihahandog para sa inyo. Gawin ninyo ito bilang pag-alaala sa akin."20 Gayundin naman, dinampot niya ang kopa pagkatapos maghapunan at sinabi, "Ang kopang ito ang bagong tipan ng Diyos na pinagtibay ng aking dugo. Ang aking dugo ay mabubuhos alang-alang sa inyo.

†Pagninilay
Sa huling hapunan, pinasinayaan ni Hesus ang rurok ng kanyang misyon na iligtas ang tao sa pagkaalipin sa kasalanan. Hindi isang ordinaryong tinapay at alak ang kanyang binigay sa kanyang mga alagad, kundi ang kanyang sariling katawan at dugo ang naging kabayaran sa kasalan ng mundo.
Sa banal na misa, tinutupad ng Simbahang Katoliko ang utos ni Hesus sa huling hapunan: “Gawin ninyo ito sa pag-alaala sa akin.” Ang utos ni Hesus ay hindi lamang ang itaas ang tinapay (na tunay niyang katawan) at ang alak (na tunay niyang dugo). Gayundin, ang lahat ng Kristiyano ay inaanyayahang mag-alay ng sarili para sa kapakanan ng isa’t isa.
Sa panahong laganap ang eksploytasyon o ang pag-abuso sa katawan ng tao upang magkaroon ng huwad na kaligayahan, ipanalangin natin na ang tao ay magkaroon ng pag-galang sa dangal ng katawan ng tao bilang templo ng Espirito Santo.

†Panalangin
Panginoong Hesus, minarapat Mong ialay ang Iyong sarili para sa aming kapakanan. Loobin Mo na kami din ay magkaroon ng kakayahang ingatan ang aming katawan at ang aming buong pagkatao na iyong minamarapat na aming gamitin upang maisagawa ang aming misyon sa lupa.
Ano pa nga ba ang nais mo na ihanda namin sa iyong paninirahan sa aming piling, kundi ang aming malinis na puso at pagkatao?
Inaaalala din namin ang aming mga pari na Iyong inatasang magtaas ng Iyong banal na katawan at dugo sa Banal na Misa. Tulutan mong maialay nila ang kabuuan ng kanilang pagkatao, katawan at kaluluwa, sa pagtugon sa misyong kanilang niyakap sa diwa ng ordinasyon. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ng Iyong matamis na pangalan. Amen

Ama namin... Aba Ginoong Maria... Luwalhati...
†††

No comments:

Post a Comment