Monday, April 18, 2011
Ikalimang Estasyon: ANG PAGHAGUPIT KAY HESUS
P: Sinasamba at Pinupuri ka namin, O Kristo...
B: Sapagkat sa pamamagitan ng Mahal mong Krus ay Iniligtas mo ang Mundo.
†Mula sa Ebanghelyo ni San Juan (19:1-3)
1 Kaya't ipinakuha ni Pilato si Jesus at ipinahagupit. 2 Ang mga kawal ay kumuha ng sangang matinik, ginawa itong korona at ipinutong kay Jesus. Siya rin ay sinuotan nila ng balabal na kulay ube at 3 bawat isa'y lumalapit sa kanya at patuyang bumabati, Mabuhay ang Hari ng mga Judio! At kanilang pinagsasampal si Jesus.
†Pagninilay
Narito ngayon si Hesus, ang inaasahan nang mundong tagapagligtas. Wala siyang kalaban laban sa harap ng mga umiinsulto sa kanyang katauhan at yumuyurak sa kanyang mahal na katawan. Isa siyang hari na ang korona’y tinik ng punong kahoy at sa halip na igalang ay tinutuya ng mga taong nakakakita sa kanya. Mga dampi ng sampal ang naging kabayaran ng mga mga tao sa pagbibigay ni Hesus sa pagdadala Niya ng mensahe ng pag-ibig. Siya ngayon itong hindi iniibig!
Ang mga tao’y nakapiit sa silakbo ng damdamin ng nakararami, nagpadala sila’t nahawa sa sigaw ng marami: “Ipako siya sa Krus”. Sa sandaling ito, ang katarungan ay napasa-kamay ng iilang nagtatamasa ng lumilipas kapangyarihan. Ngunit, silang mga nanakit kay Hesus din ang silang makakadama ng “pagka-yurak sa puso” (Gawa 2: 37) nang nagpahayag si Pedro noong Pentekostes: “Si Hesus ng Nazareth na ibinigay sa inyo ng Diyos... ay ipinako at pinatay ng mga taong walang kinikilalang batas” (Gawa 2:22)
Sa mga taong walang nang Diyos na kinikilala, ang pagkakataon ang siyang magbabalik nito sa kanila.
†Panalangin
Panginoong Hesus, hindi ka karapatdapat na magdusa sa kamay ng taong hindi nakakakilala sa Iyo. Patawarin mo kami, na sa kabila ng aming pakikiisa at pagtanggap sa Iyo sa pamamagitan ng mga sakramento, ay pinipili pa din ang mamuhay laban sa iyong kalooban. Sa sandal ng pagkaalipin sa kasalanan tubusin mo nawa kami at akayin sa landas patungo sa kung saan Ikaw ay aming makakpiling magpasawalang-hanggan. Amen.
Ama naming... Aba Ginoong Maria... Luwalhati...
†††
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment