Monday, April 18, 2011

Ika-apat na Estasyon: SI HESUS SA HARAPAN NI PILATO

P: Sinasamba at Pinupuri ka namin, O Kristo...
B: Sapagkat sa pamamagitan ng Mahal mong Krus ay Iniligtas mo ang Mundo.

†Mula sa Ebanghelyo ni San Juan (18:33-40)
33 Si Pilato ay pumasok uli sa palasyo at ipinatawag si Hesus. Ikaw ba ang Hari ng mga Judio? tanong niya.
34 Sumagot si Hesus, Iyan ba'y sarili mong palagay, o may ibang nagsabi sa iyo?
35 Tugon ni Pilato, Hindi ako Judio. Ang mga kababayan mo at ang mga punong pari ang nagdala sa iyo rito. Ano ba ang ginawa mo?
36 Sumagot si Hesus, Ang kaharian ko'y hindi sa daigdig na ito. Kung sa daigdig na ito ang aking kaharian, ipinakipaglaban sana ako ng aking mga tauhan at hindi naipagkanulo sa mga Judio. Ngunit hindi sa daigdig na ito ang aking kaharian!
37 Kung ganoon, isa ka ngang hari? sabi ni Pilato.
Sumagot si Hesus, Ikaw na ang nagsasabing ako'y hari. Ito ang dahilan kung bakit ako ipinanganak at naparito sa daigdig, upang magsalita tungkol sa katotohanan. Nakikinig sa aking tinig ang sinumang nasa katotohanan.
38 Ano ba ang katotohanan? tanong ni Pilato.
Pagkasabi nito, muling lumabas si Pilato at sinabi sa mga Judio, Wala akong makitang kasalanan sa taong ito. 39 Ngunit ayon sa inyong kaugalian, dapat akong magpalaya ng isang bilanggo sa Pista ng Paskwa. Ibig ba ninyong palayain ko ang Hari ng mga Judio?
40 Hindi! sigaw nila. Hindi siya, kundi si Barabbas! Si Barabbas ay isang tulisan.

†Pagninilay
“Paano ko kaya makukuha at mapapanatili ang tiwala ng mga tao sa akin?” Ito ang katanungang kadalasang namamayani sa mga taong naghahangad ng posisyon sa anumang sector ng lipunan o sa ibang salita: “Paano ko kaya mapapanatiling mabango ang aking pangalan?”
Si Pilato, bagama’t kumbinsido na walang kasalanan si Hesus, ay mas piniling pagbigyan ang hiling nga mga tao na ipako si Hesus sa Krus sa isang simpleng dahilan – upang mapanatili ang pagpanig ng mga tao sa kanya at sa kanyang kapangyarihan. Labag man sa katotohanan, mas pinili ni Pilato na pangalagaan ang kanyang sariling interes kahit ito ay magbunga ng kamatayan ng isang isang inosente. Upang mapanatili ang mapag-kunwaring dalisay na interes, nag hugas siya ng kamay sa harapan ng lahat upang ipaalam na wala siyang pananagutan sa anumang kahinatnan ng bugso ng damdamin ng tao laban kay Hesus. Anong uri ng pinuno si Pilato?
Sa kasalukuyan, napakarami pa din ang mga nagpapanggap na pinuno sa ating lipunan, ngunit ang tunay nilang interes ay nakasandal sa pagka-makasarili, kabulaanan at sa sistemang “palakasan”. Sa ganitong uri ngg pamahalaan, talaga ngang hindi mamamayani ang katotohanan. Ano ang mangyayari sa isang bansa na mismong mga pinuno ang nagtuturo na ang pagbabawas ng populasyon sa pamamagitan ng “contraception” ang sagot sa kahirapan? Kailan kaya natin sususpilin ang mga pinunong nagtutulak ng batas na makakapipinsala sa buhay ng inosente? Hanggang kailan natin hahayaan na mamayani muli ang ilusyon ng mga pinuno na sa halip na sila ang mag-dala ng pag-asa sa mga nanganga-ilan, pagpuksa sa buhay pa ang sagot sa kahirapan.
Habang patuloy na namamayani ang mga pinunong tulad ni Pilato na tanging pansariling interes ang pinangangalagaan at sa likod nila’y ang mga taga-suportang bulag sa katotohanan, patuloy na mababayubay sa pagdurusa sa Krus ang ating Panginoon... isang inosenteng naging kabayaran sa kabulaanan at katakawan sa kapangyarihan ng iilan.

†Panalangin
Panginoong Hesus, turuan mo ang aming bayan na magpahalaga sa katotohanan at sa dangal ng buhay. Akayain mo din ang aming mga pinuno sa katuparan ng atas na gawaing kanilang sinumpaan. Nawa’y magsilbi silang larawan ng pag-asa para sa mga aba sa aming lipunan at huwag nilang igiit ang anumang batas na nakasisiil sa mga nakalugmok sa karukhaan.
Hayaan mong isabuhay nila ang dalisay na interes sa paglilingkod at gayundi’y iwasan nawa nilang pagmukahaing tuwid ang mga bagay sa sa katotohana’y baluktot upang mapangalagaan lamang ang mga personal na interes at labis na pagyakap kapangyarihan. Ikaw nawa Hesus ang magsilbing larawan nila ng payak na pamumuhay habang pinaninindigan nila ang kanilang bokasyon sa paglilingkod sa bayan. Hinihiling namin ito, O Hesus, sa Iyong pangalan. Amen.

Ama naming... Aba Ginoong Maria... Luwalhati...
†††

No comments:

Post a Comment