Monday, April 18, 2011
Ikatlong Estasyon: SI HESUS SA HARAP NG SANHEDRIN
P: Sinasamba at Pinupuri ka namin, O Kristo...
B: Sapagkat sa pamamagitan ng Mahal mong Krus ay Iniligtas mo ang Mundo.
†Mula sa Ebanghelyo ni San Mateo (26:59-66)
59 Samantala, ang mga punong pari at ang buong Sanhedrin ay naghahanap ng sasaksi laban kay Hesus upang ito'y maipapatay. 60 Kahit na maraming humarap at sumaksi ng kasinungalingan tungkol sa kanya, wala silang matagpuang makakapagpatotoong si Hesus ay dapat mamatay. Sa wakas, may dalawang humarap 61 at nagsabi, "Sinabi ng taong ito na kaya daw niyang gibain ang Templo ng Diyos at muli itong itayo sa loob ng tatlong araw."
62 Tumayo ang pinakapunong pari at sinabi kay Hesus, "Wala ka bang isasagot sa paratang na ito laban sa iyo?" 63 Ngunit hindi umimik si Hesus. Kaya't sinabi sa kanya ng pinakapunong pari, "Iniuutos ko sa iyo sa ngalan ng Diyos na buhay, sabihin mo sa amin kung ikaw nga ang Cristo, ang Anak ng Diyos."
64 Sumagot si Hesus, "Kayo na ang nagsabi. At sinasabi ko pa sa inyo, di na magtatagal at makikita ninyo ang Anak ng Tao na nakaupo sa kanan ng makapangyarihang Diyos at dumarating na nasa alapaap!"
65 Pagkarinig nito, pinunit ng pinakapunong pari ang kanyang damit at sinabi, "Nilapastangan niya ang Diyos! Hindi na natin kailangan ng mga saksi. Narinig ninyo ngayon ang kanyang paglapastangan sa Diyos! 66 Ano ang pasya ninyo?" Sumagot sila, "Dapat siyang mamatay!"
†Pagninilay
Sa kasalukuyan, sinasabing kakaunti na lamang ang mga taong tunay marunong makinig. Sa kabilang dako naman, napakaraming mga tao ang halos wala naman tigil sa pagsa-salita. Halos wala kang marinig kundi ang kanyang boses, tawa, galit, sigaw, bulong, reklamo na para bang siya na lamang ang nararapat magsalita. Minsan, ang walang tigil na pagsasalita ay nagbubunga ng hindi kanais-nais at nakapang-bibiktima pa ng ilan. Si Hesus ay hindi iba sa mga naging biktima ng labis na salita ng iba, minsa’y higit pa sa katotohanan o ang tinatawag na “exaggerations”.
Marahil, nais ng mga bulaang saksi sa mga gawain ni Hesus na maging sikat at mapalapit sa mga punong saserdote kaya’t kahit wala silang nalalaman, siniraan nila si Hesus. Ang sobrang pagsa-salita na na labas sa katotohanan ay tunay ngang nakapagpa-pahamak sa iba. Ang isa pang dimension nito ay tinatawag na “chismis” o ang pagkakalat ng kwentong tungkol sa kapwa na walang katotohanan at batayan. Ilan na kaya sa atin ang naging biktima ng mga maling paratang mula sa iba? Ilan na din kaya ang minsan o madalas na nagiging “exaggerated” at “chismosa o chismoso” naging dahilan din ng pagkapahamak ng iba?
Tandaan natin, sa kasalukuyang panahon kung kalian napakaraming mga tao ang nagdarahop dahil sa iba’t ibang hamon ng buhay, higit na kailangan ng mundo ang mga taong handang makinig sa kapwa.
†Panalangin
Panginoong Hesus, ang iyong pagka-sadlak sa padurusa ay dahil sa mga paratang na walang tatotohanan mula sa mga saksing sinungaling. Huwag mo sanang tulutan na kami din ay makadagdag sa Iyong pasakit dahil sa aming walang habas na pagsasalita ng mga walang katuturang bagay na nakapipinsala sa iba. Sa halip, gamitin mo nawa ang aming tinig upang ang Iyong banal na Salita ay mahayag sa mundo at sa mga taong nangangailangan ng mensahe ng pag-asa at pag-ibig. Hiniling namin ito, sa iyong mapagpalang pangalan. Amen
Ama naming... Aba Ginoong Maria... Luwalhati...
†††
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
humihingi po ako ng pahintulot na magamit ang pagninilay ninyo sa aming station of the cross
ReplyDelete