Monday, April 18, 2011

Ikalawang Estasyon: ANG PAGHIHIRAP NI HESUS SA HALAMAN


P: Sinasamba at Pinupuri ka namin, O Kristo...
B: Sapagkat sa pamamagitan ng Mahal mong Krus ay Iniligtas mo ang Mundo.

†Mula sa Ebanghelyo ni San Lucas (22:39-44)
39 Gaya ng kanyang kinagawian, umalis si Jesus at nagpunta sa Bundok ng mga Olibo kasama ang mga alagad. 40Pagdating doo'y sinabi niya sa kanila, "Manalangin kayo upang hindi kayo madaig ng tukso."
41 Lumayo siya sa kanila, mga isang pukol ng bato ang layo, at doo'y lumuhod at nanalangin. 42 Sabi niya, "Ama, kung maaari po ay ilayo mo sa akin ang kopang ito, ngunit huwag ang kalooban ko ang masunod, kundi ang kalooban mo." [ 43 Nagpakita sa kanya ang isang anghel mula sa langit at pinalakas ang loob niya. 44 Dala ng matinding hinagpis, siya'y nanalangin nang lalong taimtim, at pumatak sa lupa ang kanyang pawis na parang malalaking patak ng dugo.]

†Pagninilay
Bilang Diyos, malinaw kay Hesus na kailangan niyang ialay ang kanyang sarili alang-alang sa kaligtasan ng mundo. Bagama’t katulad ng ordinaryong tao, napakahirap para kay Hesus na yakapin at harapin ang pinakamabigat na pagsubok sa kanyang buhay. Kaya’t nagmakaawa siya: "Ama, kung maaari po ay ilayo mo sa akin ang kopang ito...”
Sino pa nga ba ang aasahan ng mga nagdurusa sa mga karamdamang hindi magamot ng agham, ng mga taong hinagupit ng mga kalamidad, ng mga taong nawalan ng lahat ng kanilang mga pinagpaguran, at ng mga taong pinanawan ng kanilang minamahal sa buhay?
Si Hesus sa kabila ng takot ay walang kinapitan kundi ang tiwala sa Ama, kaya’t matapos magmakaawa na ilayo sa kanya ang kopa ng paghihirap, agad niyang sinabi: “Ngunit huwag ang kalooban ko ang masunod, kundi ang kalooban mo."
Sa mga sandaling humaharap tayo sa mga pagsubok na para bang mahirap lampasan, matuto tayo kay Hesus. Isabuhay natin ang tiwala sa kalooban ng Ama. Sa sandali na bumibitaw tayo sa pananampalataya at ang tangi nating pinanghahawakan ay ang pagtakas sa pag-subok ng buhay, tumupad tayo sa mungkahi ni Hesus: "Manalangin kayo upang hindi kayo madaig ng tukso."

†Panalangin
Panginoong Hesus, napakaraming pagkakataon na aming iginigiit ang aming sariling mga plano at kagustuhan. Patawarin mo kami sa aming mga pagmamagaling at pagtalikod sa iyong mga paanyaya. Ikaw nawa ang aming maging lakas at tagapag-tanggol sa hagupit ng mga problemang dumarating na para bang hindi naming kayang pagtagumpayan. Maranasan nawa namin ang iyong pagkupkop sa oras ng aming pagharap sa hamon ng buhay. Hinihiling naming ito sa pamamagitan ng iyong mapagkupkop na pangalan. Amen

Ama naming... Aba Ginoong Maria... Luwalhati...
†††

No comments:

Post a Comment